Ang kasaysayan ay hindi maiaalis at nakadikit na sa bawat tao, bagay, pagkain, kultura o pook. Lahat ng parte ng buhay bago pa man magkaroon ng bunga ay tiyak na mayroong pinagmulan. Halina’t maglakbay pabalik ng oras at pumaroon sa panahon kung saan ang kasaysayan ay inuukit sa lalawigan ng Bulacan.
Ang naitala na pinagsimulan ng lalawigan ay noong 1572 nang magpunta ang mga misyonerong Agustino na sina Fray Martin de Rada at Fray Diego Vivar sa mga lugar na ngayon ay tinatawag ng Calumpit, Malolos at Hagonoy.
Taong 1575, ang bayan ng Calumpit ang unang bayan na naitatag sa lalawigan. Sa bayan na ito, sa baryo ng Meyto inilagak ng mga naunang misyonero ang krus. Ang Meyto Shrine sa kasalukuyan ang pinakaunang kapilya’t kumbento at nagpasimula sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa lalawigan ng Bulacan.
Malaki
ang naging papel ng Bulacan sa kasaysayan ng bansa. Sumisimbolo ang walong
silahis o sinag ng araw na makikita sa watawat ng Pilipinas ang walong
probinsyang unang nag-aklas laban sa mga Kastila. Kabilang sa mga probinsya na
iyon ay ang Bulacan, Maynila, Laguna, Cavite, Batangas, Tarlac, Nueva Ecija at
Pampanga.
Bukod
sa ito ay naging tahanan ng ilan sa mga tampok na bayani ng bansa, kabilang ang
mga Kababaihan ng Malolos sa mga naunang nakipaglaban sa ngalan ng edukasyon.
Taong 1888 ng magpadala ng liham ang mga Kababaihan ng Malolos kay
Gobernador-Heneral Valeriano Weyler. Sila ay binubuo ng dalawampung kababaihan
mula sa mga prominenteng pamilyang Tsino-Filipino. Humihingi sila ng permiso
para makapagbukas ng panggabing paaralan para matuto ng wikang Espanyol.
Tumutol ang isang paring Kastila na si Fray Felipe Garcia kaya’t hindi ito
inaprubahan ni Gobernador-Heneral Weyler. Hindi nagpatinag ang mga Kababaihan
ng Malolos at sila naman ay nagtagumpay sa kagustuhang makapag-aral. Ang
kanilang ginawa ay hindi karaniwan noong mga panahong iyon kaya’t nakiusap pa
ang manunulat na si Marcelo H. del Pilar kay Dr. Jose Rizal na sila ay padalhan
ng sulat sa Tagalog. Pebrero 1889 nang isulat ni Rizal ang tanyag na mahabang
liham para sa mga Kababaihan ng Malolos.
Sa
kasalukuyang Pandi, Bulacan rin naganap ang madugong Battle of Kakarong de Sili o Labanan sa Kakarong de Sili noong
Enero 1897. Tinatayang isa hanggang tatlong libong Katipunero ang walang awang
pinatay ng hukbong Kastila. Isa sa mga nakaligtas ay ang batang heneral na si
Gregorio “Goyo” H. del Pilar.
Nobyembre
1897 nang itinatag ang kauna-unahang Republika ng Pilipinas sa Biak-na-Bato na
matatagpuan sa San Miguel, Bulacan. Ito ay tinawag na Republika ng Biak-na-Bato
na pinamunuan ni Emilio Aguinaldo. Nilagdaan ang Kasunduan sa Biak-na-Bato kung
saan pansamantalang ititigil ang digmaang Pilipino-Kastila at mayroong danyos
na ibibigay ang mga Espanyol. Si. Pedro Paterno ang nagsilbing kinatawan ng mga
rebolusyonaryo at si Gobernador-Heneral Fernando Primo de Rivera naman ang
lumagda sa panig ng Pamahalaang Espanyol. Hindi tumupad ang dalawang panig.
Tatlong buwan ang nakalipas
matapos iproklama ni Emilio Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas sa Kawit,
Cavite ay binuksan niya sa loob ng simbahan ng Barasoain sa Malolos ang
kauna-unahang sesyon ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 1898. Ang Kongreso
ng Malolos ang nagbigay-bisa sa kauna-unahang Saligang Batas ng bansa at proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ang
Labanan sa Quingua ay naganap sa bayan ng Calumpit, Bulacan noong Abril 1899.
Ito ay labanan sa pagitan ng hukbong Amerikano laban sa pwersa ni Heneral
Antonio Luna. Isa sa mga kakatwang naganap ay ang pag-atake ng mga kalabaw sa
Bulacan sa mga sundalong Amerikano. Ang ilan sa mga teorya ay dahil sa kulay ng
uniporme nila na tila pula o dahil hindi kaaya-aya ang amoy ng mga sundalo at
ang isa pa sa mga kakaibang eksplanasyon ay ang kanilang pagiging hindi tuli.
Para
sa ilan ay madugong aralin ang kasaysayan ngunit ang dugo ng ating mga ninuno
ang nagbigay-daan upang ipanganak ang demokrasya. Kung wala ang kasaysayan,
marahil ay hindi rin tayo magiging posible.
Halina
sa pook na iyong babalik-balikan, sagana sa kwento ng marahas o makulay na nakaraan,
Bulacan.